DOLE: pinakamababang unemployment rate simula 2005, naitala

Ibinahagi ng Kawanihan ng Lokal na Empleo ang mga paunang ulat ng Nobyembre 2023 Labor Force Survey ng Philippine Statistics Authority gayundin ang mga patok na trabaho sa bansa para sa taong 2024 sa radio show “DOLE sa AFP Radio” ng DWDD 1134 noong 16 January 2023.

Ibinahagi ni Direktor Patrick P. Patriwirawan, Jr. ang magandang datos hinggil sa pagbaba ng antas ng kawalan ng trabaho. Aniya, “naitala ang pagbaba ng unemployment rate na siya ring pinakamababang unemployment rate sa bansa simula noong Abril 2005 sa 3.6%. Ito ay nangangahulugang pagtaas ng bilang ng mga may trabaho na naitala naman noong Nobyembre 2023 sa bilang na 49.64 milyon.”

Dagdag pa ni Direktor Patriwirawan, Jr., ang pagtaas ng bilang ng mga may trabaho ay mula sa sektor ng agriculture, forestry, construction, transportation and storage, fishing at aquaculture at administrative at support service activities.

Bukod sa unemployment, binibigyang pansin rin ng Kawanihan ng Lokal na Empleo ang usapin ng underemployment sa bansa. Batay sa Nobyembre 2023 LFs, mayroong 11.7% underemployment rate na mas mababa sa 14.4% noong Nobyembre 2022.

Ang Kagawaran ng Paggawa at Empleo ay nagpapatupad ng iba’t ibang programa sa tulong ng mga Public Employment Service Offices na nagsasagawa ng multi-platform employment facilitation services sa mga jobseekers and employers kagaya ng job search and placement, labor market information services, at maging employment, vocational, at career counseling.

Kaugnay nito, mayroon rin mga programang angkop para masiguro at mai-angat ang employability ng mga kabataan kagaya ng JobStart Philippines Program, Government Internship Program o GIP, at Special Program for Employment of Students o SPES.

Naibahagi ni Direktor Patriwirawan, Jr. ang paunang ulat ng 2022-2025 Jobs and Labor Market Forecast Report na isinagawa sa pamamagitan ng konsultasyon ng mga DOLE Regional Office sa iba’t-ibang stakeholders. Ayon sa nasabing ulat, ang mga sektor o industriya na magiging in-demand sa bansa ay sa medical field, construction, architecture at engineering-related workers, information technology and business process outsourcing, platform work at services and tourism sectors

Hinikayat niya ang lahat ng mga jobseekers na bumisita sa official job matching at labor market information portal ng Kagawaran ng Paggawa at Empleo – PhilJobNet (philjobnet.gov.ph) sa iba pang job opportunities na maaaring ma-applyan ng ating mga kababayan.

Nagbigay payo rin si Direktor Patriwirawan, Jr. na kung sakaling mabiktima ang mga jobseekers ng bogus na ahensya o employers ay maaaring lapitan ang Department of Labor and Employment (DOLE), Philippine National Police (PNP), at National Bureau of Investigation (NBI) upang magsampa ng reklamo. Maaari ring isangguni ng mga manggagawa ang kanilang mga katanungan at hinaing ukol sa mga online job scam sa DOLE Hotline 1349.

By: Fritz Ian P. Viclar